NADAKIP ng mga awtoridad ang nakatalang most wanted person (MWP) sa Regional Level sa ikinasang manhunt operation nitong Linggo, 19 Pebrero sa lungsod ng San Pedro, sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, Acting Provincial Director ng Laguna PPO ang akusado na si alyas Francis, residente sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Rolly Liegen, hepe ng San Pedro CPS, nagkasa sila ng manhunt operation kamakalawa dakong 5:15 pm sa Brgy. San Antonio, sa naturang lungsod, kung saan nadakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Las Pinas City RTC Branch 275 para sa kasong Rape na isinampa noong 6 Pebrero 2023 at walang inirekomendang piyansa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Pedro CPS ang suspek samantala iimpormahan ang pinagmulan ng warrant sa kanyang pagkahuli.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Sa tulong ng ating kumunidad sa pagbibigay impormasyon sa ating pulisya ay mas napabilis ang pagdakip sa mga nagtatago sa batas. Ito ang patunay na mas magiging maayos ang pagpapatupad ng peace and order dito sa lalawigan ng Laguna kung tayo ay magtutulungan.” (BOY PALATINO)