SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAINIT na tinanggap ng viewers ang pagbabalik-serye ng Hari ng Primetime na si Coco Martin matapos dumagsa ang fans sa Plaza Miranda para sa live public viewing ng FPJ’s Batang Quiapo. Kasabay nito, nakakuha rin ang pilot episode ng 341,509 live concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube noong Lunes (Pebrero 13).
Nakasama ng fans sa libreng public viewing si Coco at ang ilang cast ng Batang Quiapo tulad nina Cherry Pie Picache, McCoy de Leon, Miles Ocampo, Sen. Lito Lapid, at Christopher de Leon, na sabay-sabay nilang pinanood ang maaksiyong pilot episode na umabot ng halos isang oras.
Taos-pusong nagpasalamat si Coco sa walang sawang suporta na ibinibigay ng mga manonood at sabi niya, “Nakatutuwa kasi na-appreciate nila ‘yung pinaghirapan namin. Kasi talagang dugo at pawis ang ipinuhunan namin para mapaganda ‘yung palabas ngayon. Susulitin namin ‘yung pagmamahal na ibinibigay nila sa amin.”
Top trending topic din sa Twitter sa Pilipinas ang official hashtag na #FPJsBatangQuiapoDay na nakakuha ng higit 22,000 tweets, habang trending din si Coco, #PrimetimeKingIsBack, at #Plaza Miranda.
Nakasama naman si Miles sa worldwide trending list para sa nakaaantig niyang pagganap bilang isang babaeng biktima ng rape.
Bago pa man ang pagtitipon sa Plaza Miranda, una nang nag-ikot sina Coco at ang co-stars niya tulad nina Lovi Poe, John Estrada, Cherry Pie, at McCoy, para sa grand parade noong Pebrero 9. Nilibot nila ang Baclaran, Luneta, Quiapo, at Tondo at nagtagal ito ng halos apat na oras.
Dinumog din ang cast ng Batang Quiapo sa mall show nila sa Cebu noong Pebrero 11 na napanood ng fans ang iba’t ibang special performances.
Napanood sa pilot episode ng FPJ’s Batang Quiapo ang umaatikabong sagupaan matapos mabigo ang pagnanakaw ni Ramon (Coco). Dahil dito, naging desperado si Ramon na manatili ang linya ng kanyang pamilya kaya ginahasa niya si Marites (Miles), isang inosenteng babae na hindi niya kaano-ano. Sa pagsilang ni Marites ng kanyang anak, makikilala na ng viewers ang astig na karakter ni Tanggol (Coco).
Huwag palampasin ang maaksiyong pagbabalik ni Coco sa FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kuwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8:00 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.