NAGBABALIK ang grupong nagpa-uso ng awiting Jumbo Hotdog, ang Masculados at tiyak madalas na rin silang mapapanood dahil nasa pangangalaga na sila ng bagong tatag na management, ang Marikit Artist Management na pinamumunuan ni Joseph “Jojo” Aleta.
Ang Masculados na ire-rebrand ng Marikit ay kinabibilangan ng mga dati at bagong miyembro. Sila ay sina Robin Robel, Enrico Mofar, Nico Cordova, Orlando Sol, David Karell, at Richard Yumul.
Sa launching ng Marikit Artist Management na ginanap sa Ilang-Ilang, Manila Hotel nagpa-sampol uli ang grupo ng sikat na sikat nilang kanta. At talaga namang naroon pa rin ang lakas ng dating ng grupo.
Ani Robin, pinoneer ng Masculados, “This coming February, mag-20 years na po ang grupo namin. Magkakaroon po kami ng mini-concert.
“Nagpapasalamat po kami sa Marikit, niyakap ang Masculados, kinuha po kami. Malaki pong karangalan sa amin ‘yun.”
Pito ang orihinal na miyembro ng Masculados pagkaraan ay naging siyam at ngayon ay anim na lamang.
“Noong una pito kami sa unang album. Tapos sa second album, naging siyam po kami. At habang tumatagal ‘yung iba nawawala.
“‘Yung iba gumradweyt na. So, ako na lang talaga ‘yung natitira sa first batch. Tapos si Enrico natira rin.
“Parang nag-join force kami, nag-usap na ‘P’re, huwag tayong bumitaw.’ Kasi siyempre ang Masculados, ang tagal na niyan, ‘di ba?
“Kaya ang ginawa namin, naghanap kami ng iba pa naming puwedeng maging ka-grupo o ka-member. So, ‘yun nga, dumating si Orlando, dumating si Richard,” sabi pa ni Robin.
Naging aktibo ang Masculados noong nakaraang election dahil isa sila sa klik sa mga nangangampanya. Patok sa masa ang novelty songs nila na binago ang ilang lyrics para sa ineendosong kandidato.
Sinabi pa ni Robin na hindi rin niya inaasahang tatagal sila kahit sabihing nawala na ang iba sa mga kasamahan nila.
“Malaking bagay po na ang Masculados …napakahirap isipin na aabot kami ng dalawang dekada. So, ‘yun nga, sa mga tumatangkilik ng aming mga awitin, maraming-maraming salamat po.
“Nakatataba po ng puso na hanggang ngayon po ay kinakanta at isinasayaw ang aming mga awitin. Marami pong salamat talaga! Thank you very much!”
Bukod sa rebranding magkalabas ng bagong kanta ang Masculados na lika ni Lito Camo plus ang concert nila sa Pebrero. (MValdez)