SOBRA-SOBRA ang pagmamahal ni Sen Lito Lapid sa showbiz kaya naman kahit abala sa pagiging public servant hindi pa rin nito nakakaligtaan ang gumawa ng pelikula o serye.
Anang senador, hindi niya maaabot ang kasalukuyang kinalalagyan kung wala ang showbiz. Kaya naman pagkatapos tumatak ang karakter na ginampanan sa action-serye ni Coco Martin bilang Pinuno sa FPJ’s Ang Probinsyano, muli silang magsasama ng actor-producer sa FPJ’s Batang Quiapo.
Sa thanksgiving at pre-Valentine lunch ng senador sa entertainment press kahapon ng tanghali naikuwento nitong magsisimula na siyang magtaping ng FPJBQ. Parang supremo naman ng mga mandurukoy ang gagampanan niya.
“Parang ako raw ‘yung pinaka-hari ng mandurukot o supremo sa Quiapo. Parang ‘yung role ni FPJ (yumaong Fernando Poe, Jr.) doon sa ‘Batang Quiapo,’” pagbabahagi ng aktor/politiko.
Nasabi pa ng senador na malaki ang utang na loob niya kay Coco na hanggang ngayon ay hindi siy nakakalimutan. Tinatanaw din niya ng utang na loob ang pagkapanalo sa nakaraang eleksyon sa FPJAP.
“Hindi naman lingid sa ating lahat na nakilala ako ng millennials. Dati kasi, mga senior citizens lang ang nakakakilala sa akin. Mga pelikula ko noong araw, tinatawag akong ‘Leon Guerrero.’ Pagkatapos ng ‘Probinsyano,’ tinawag akong ‘Pinuno,’ ‘Yun ang kilala ng mga kabataan.
“Lalong-lalo na noong tumakbo akong Senador, tumaas ‘yung ranking ko, naging no. 7 ako. Kaya nagpapasalamat ako unang-una kay Coco Martin dahil nabuhay uli ang career ko bilang artista, at ngayon nga, nabibigyan na naman kami ng pagkakataon dito sa ‘Batang Quiapo,’” sambit pa ng senador.
Kasama rin ni Sen. Lito ang anak niyang si Mark Lapid sa Batang Quiapo. (MVNicasio)