ISANG Memorandum ang inilabas ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) noong 10 Enero 2023, na maigting na pinaalalahanan ang bawat television network na sumunod sa Republic Act No. 10905 (RA 10905) o ang batas na kilala bilang Closed Caption Law gayundin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) (MTRCB Memorandum Circular No. 04-2016) nito.
Alinsunod sa RA 10905, ang lahat ng mga franchise holder kabilang ang mga television station operator at mga producer ng television programs ay kailangang magpalabas ng mga programa na may closed captions option.
Ayon sa Section 2, Rule V ng IRR, ang lahat ng mga non-exempt program ay mayroong dapat na closed captioning service. Wala na ring bisa ang lahat ng mga dati na-exempt, maliban sa mga nabigyan ng exemption ayon sa Section 2, Rule II ng IRR.
Ang nasabing batas ay bahagi ng commitment ng bansa na mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga kababayan nating deaf at hard-of-hearing upang maging parte at lumahok sa nation- building. Ito rin ay naaayon sa Convention on the Rights of Persons with Disabilities, na pinagtibay ng Pilipinas nong 2008. (MValdez)