SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAY kurot sa amin ang kuwento ni Jennica Garcia kung paano siya nakasama sa kauna-unahan niyang proyekto sa ABS-CBN.
Kahapon inamin ng aktres na hindi siya handpicked tulad ng mga kasamahan niyang bibida sa bagong handog ng Dreamscape Entertainment, ang Dirty Linen na pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo at Janine Gutierrez.
Maluha-luhang ibinahagi ni Jennica na nawalan na siya ng pag-asa noon na makabalik sa showbiz dahil matagal din siyang nawala simula nang mag-asawa at magka-anak. Kaya naman sumagi sa isipan niyang mangibang-bansa at mag-OFW.
Sa mediacon ng Kapamilya drama series na Dirty Linen inamin ni Jennica na hindi siya handpicked sa ginagampanan niyang role bilang Lala.
“Bale seven years po akong nag-artista. Seven years din po akong tumigil. Pagbalik ko po nakagawa ako ng isang proyekto tapos wala na pong sumunod and it was almost six months of no work,” anang anak ni Jean Garcia.
Kaya nga sumagi sa isip niya ang mangibang bansa at maging OFW, dahil gusto niyang mabigyan ng magandang buhay ang dalawa niyang anak.
“So I sent a viber message to sir Deo (Endrinal) asking for work. Kasi wala po akong kilala kasi from ABS-CBN. Hindi ko kasi makalimutan ‘yung sinabi ni Mama (Jean), matagal na iyon, sabi niya, ‘anak just in case maisip mo na gusto mo with ABS-CBN, gusto ko na alam mo that Sir Deo is a very trusted friend of mine. You can go to him.’ So eh, noong time na iyon na isip ko na, ‘ito na, kakapalan ko na ang mukha ko. Sabi ko magme-message na lang ako,” pagbabahagi ni Jean sa grand mediacon.
Sinabi pa ni Jennica na, “Naisip ko na rin po noon na sige okey lang kapag hindi ako nabigyan, mag-ofw na lang ako kasi kumbaga ito lang ang alam kong trabaho eh, ang pag-aartista.
“Ang isa ko na lang naiisip is mangibang bansa. Kaya ang pressure talaga bago ko pa makita andito na,” at hinawakan ang leeg para ipakita kung hanggang saan ang pressure sa kanya ng bagong seryeng sasamahan niya.
“Kasi alam ko na they didn’t think of me when our writers where making Lala, the character that she is today.
“Kaya pinag-igihan ko talaga. Kasi para sa akin ang dami kong dapat patunayan at ayaw kong mapahiya si Sir Deo, ayokong parang inilagay ka rito kasi sabi ni sir Deo. Gusto ko ang goal ko kapag umere iyong Netflix gusto kong maisip ng mga boss ko na ‘tama siya nga ang dapat na maging Lala,” medyo naluluha nang pagbabahagi pa ni Jennica.
Mapapanood na ang Dirty Linen simula sa January 23, mula sa direksiyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay.