NASAMSAM ng mga awtoridad ang kahon-kahong pekeng sigarilyo na handa na sanang ikalat sa iba’t ibang pamilihan ngunit nadakip ang isang indibidwal sa inilunsad na anti-criminality operations sa bayan ng Talavera, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado ng umaga, 14 Enero.
Sa ulat mula kay P/Col. Richard Caballero, acting provincial director ng Nueva Ecija PPO, dakong 10:15 am kamakalawa, nagsagawa ang mga elemento ng Talavera MPS ng operasyon laban sa mga ilegal at pekeng sigarilyo sa bahagi ng Marcos-Cabubulaunan Road, Brgy. Sampaloc, sa nabanggit na bayan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkaaresto ng isang 53-anyos (itinago muna ang pagkakakilanlan) magsasaka, residente sa Brgy. Lomboy, sa naturang bayan.
Ayon sa ulat, sakay ang suspek ng isang itim na Kawasaki Bajaj CT100 tricycle nang masabat ng mga operating unit na aktong nagbibiyahe ng tatlong kahong naglalaman ng 150 reams ng Astro cigarettes, tinatayang nagkakahalaga ng P30,000.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Talavera MPS custodial facility na takdang sampahan ng kasong RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines). (MICKA BAUTISTA)