SUNOD-SUNOD na pinagdadampot ang 10 indibidwal sa magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng mga awtoridad sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 14 Enero.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, dinakip ang anim na personalidad sa droga sa iba’t ibang buy-bust operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balagtas, Baliwag, Bocaue, San Ildefonso, at San Miguel C/MPS sa pakikipagtulungan ng SOU3 PNP DEG.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 15 pakete ng hinihinalang shabu, 18 pakete ng tuyong dahon ng marijuana, kaha ng sigarilyo, at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Gayondin, nadakip ng mga tauhan ng Marilao MPS at Meycauayan CPS ang tatlo kataong sangkot sa mga kasong kriminal na kinilalang sina Arnel Villagracia ng Bgry. Pantoc, Meycauayan, sa kasong Frustrated Murder dahil sa pananaksak sa kanyang biktima; Alexis Prollo; at isang Child in Conflict with the Law (CICL), na kapwa residente sa Meycauayan, hinuli sa kasong Theft (Snatching).
Samantala, arestado ang isang wanted person sa ikinasang manhunt operation ng mga elemento ng Bocaue MPS sa Brgy. Poblacion, Bocaue, dahil sa paglabag sa RA 7610 (Child Abuse Law).
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting officer/unit ang mga arestadong akusado para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)