NASAKOTE ang isang personalidad sa droga sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Cruz, lalawigan ng Laguna, nitong Martes ng hapon, 3 Enero.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, Acting Provincial Director ng Laguna PPO, ang suspek na si alyas Toper, residente sa naturang bayan.
Sa ulat ni P/Maj. Gabriel Unay, hepe ng Sta. Cruz MPS, nagsagawa sila ng anti-illegal drug buy-bust operation dakong 5:10 am, kamakalawa sa Brgy. Pagsawitan, kung saan nadakip ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa police poseur buyer kapalit ang buy-bust money.
Nasamsam mula sa suspek ang apat na pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na 6.20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P42,000; P500 buy-bust money; rubber pouch; at isang motorsiklong Yamaha Aerox.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Cruz MPS ang naarestong suspek habang isinimite ang mga kompiskadong ebidensiya sa Crime Laboratory para sa forensic examination. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Makaaasa po kayo na paiigtingin pa ng Laguna PNP ang mga operasyon kontra ilegal na droga para mapanatili ang kaayosan at katahimikan sa lalawigan ng Laguna.” (BOY PALATINO)