SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKATUTUWA ang mga picture na ibinahagi sa official Facebook page ng Metro Manila Film Festival(MMFF) kahapon na nagpapakita ng pagdagsa ng mga tao sa mga sinehan noong Disyembre 25, Linggo, sa mga sinehan.
Anila, maaga pa lang ay dumagsa na sa mga sinehan ang mga tao para panoorin ang walong entries sa MMFF 2022. Tila nasabik nga ang publiko sa mga panooring Pinoy tuwing Kapaskuhan. Isang magandang indikasyon iyon na unti-unti nang nagbabalik sa mga sinehan ang publiko.
Sa official statement na ipinalabas ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes sa unang araw ng MMFF, sinabi nitong siya’y lubos na nagagalak sa napakagandang resulta ng unang araw ng pagpapalabas ng mga pelikulang kalahok sa MMFF.
Hiling niyang sana’y magpatuloy pa ang pagdagsa ng tao sa mga sinehan hanggang Enero 7 para matulungan ang industriya sa unti-unti nitong pagbagon na unang naapektuhan ng Covid-19 pandemic.
Narito ang kabuuan ng official statement ni Atty. Artes.
“Ako, kasama ang buong pamunuan ng Metro Manila Film Festival, ay taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng tumangkilik sa walong pelikulang bahagi ng MMFF 2022 sa unang araw pa lamang nito kahapon, Araw ng Pasko.
Labis naming ikinagagalak ang suportang ipinamamalas ng publiko sa MMFF, base sa mahahabang pila sa mga sinehan hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Hiling namin ang inyong patuloy na suporta hanggang sa pagtatapos ng MMFF sa January 7.
Sa pamamagitan nito ay matutulungan natin ang unti-unting pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Muli, maraming salamat sa lahat at mabuhay ang pelikulang Pilipino!
#mmda #mmff #MMFF2022 #mmff2022baliksaya #MMFFBalikSaya.”