MA at PA
ni Rommel Placente
ANG mag-asawang philanthropist na sina Mr Pete at Ms Cecille Bravo, kasama ang kanilang pamilya, ang cover sa special edition, December issue, ng Aspire Magazine Philippines na si Ayen Cas ang CEO.
“Before po, noong na-ask kami kung puwede po kaming maging cover, siyempre po nabigla kami, nagulat kami. Kasi hindi naman po ito isang magazine lang na simple. Ito po talagang pinaghihirapan ng marami, at may mga sinasabi at kilala po sa iba’t ibang field ‘yung mga kasama natin dito. Tapos kami pa po ang napili.
“So malaking bagay po ito sa amin. Nakatataba po ng puso. Tapos sabi po sa amin, thru us daw, may mga nai-inspire po kami. Hopefully, we will continue to do so,” sabi ni Ma’am Cecille nang makausap namin.
Isa sa mga dahilan kung bakit napiling maging cover ng Aspire Magazine ng bagong edition nito sina Ma’am Cecille at Sir Pete ay dahil sa pagiging maragumpay nilang negosyante. Nasa telecommunication business sila.
“‘Yung mister ko, nagsimula siya sa isang maliit na kompanya lang, hanggang unti-unti, napalago niya. Nag-start siya, na dalawa lang ang tauhan niya, tapos naging lima, hanggang dumami na. May mga kaibigan din kasi siya na tumutulong sa kanya, kaya gumanda ang takbo ng business niya.
“Pero eversince, talagang may vision na siya. Kaya ‘yun ang isa sa mga in-admire ko sa kanya.
“Sabi niya, ‘dahil gusto kong may marating sa buhay, kinakailangan talaga na dapat maging masipag ako.
“Ilocano kasi ang mister ko, kaya masipag siya. Alam niya kung ano ang gusto niya, at alam niya kung paano niya ito makukuha.
“Ako naman, bilang misis niya, gusto ko talagang matulungan siya, nandito ako para suportahan siya sa lahat ng gusto niyang gawin. Priority ko po ‘yung dreams niya. Pero dahil ‘yung pangarap niya at pangarap ko ay magkalapit, kaya ang gandang magtulungan kami.
“Sabi ko nga minsan, eh, we are meant to be,” ang natatawang sabi pa ni Ma’am Cecille.
Maipagmamalaki ni Ma’am Cecille na dahil nga sa pagiging successful ng kanilang business kaya naman ngayon ay may sarili na silang town house, na dati ay nangungupahan lang sila.
“Dati nagrerenta lang po kami, hanggang makabili kami ng town house.
“Tapos mayroon na po kaming building, nire-renovate. And hopefully, by February or March, makakalipat na kami roon,” pahayag pa ni Ms Cecille.
Ilang araw na lang ay Pasko na, saan nila ito ipagdiriwang?
“Gusto po namin, doon lang sa isang tahimik na lugar,” sagot niya.
Sa pagpasok naman ng bagong taon, saan naman ang kanilang selebrasyon?
“Sa New Yea naman po, definitely sa farm po namin, sa Teresa, Rizal. At kung may mga friend po kami na gustong pumunta roon at makipag-celebrate sa amin, ay welcone na welcome po sila,” paanyaya ni Ms Cecille.