RATED R
ni Rommel Gonzales
SA December 23 ang finale episode ng Start-Up PH at tinanong namin si Jeric Gonzales kung ano ang natutunan niya na mga aral sa pagkakasama niya sa cast ng GMA teleserye?
“Lessons… siguro magpakatotoo ka roon sa nararamdaman mo, ‘yung si Davidson, tinuturuan siya ng magulang niya para, well ‘yung gawin kung ano ‘yung gusto ng mga magulang niya.
“Na siguro dapat sundin kung ano ‘yung nasa puso niya, sundin niya ‘yung mga pangarap niya.”
Gumaganap si Jeric sa Start-Up PH bilang si Davidson Navarro kasama sina Bea Alonzo bilang Dani Sison, Yasmien Kurdi bilang Ina Diaz, at Alden Richards bilang Tristan Hernandez.
Mga magulang ni Davidson sina Sammy (Niño Muhlach) at Dang (Lovely Rivero).
May susunod na agad na proyekto si Jeric sa GMA.
“Ito na nga, suwerte, sobrang suwerte ko at blessed kasi after ‘Start Up-PH’ makakasama po ako sa upcoming series nila Kylie Padilla, si Sanya [Lopez], si Gabbi [Garcia] at saka si Michelle Dee, si Arra [San Agustin], marami po kami roon, si Vin [Abrenica] and si Kristoffer Martin.”
Ang tinutukoy ni Jeric ay ang Urduja Jewels na isang “mega-serye” ng GMA na punompuno ng aksiyon at fight scenes.
“Yes po, kaya nagpe-prepare na ako ngayon,” nakangiting wika pa ng Sparkle actor.