SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
LATE kaming nakarating sa premiere night ng Mamasapano: Now It Can Be Told, isa sa official entry ng Metro Manila Film Festival 2022 pero nagulat kami nang pagpasok sa sinehan na halos puno (dalawang sinehan) at lahat yata ng SM guards ay naroon para manood.
Hindi naman kataka-taka na marami ang magka-interes na panoorin ang Mamasapano dahil malaking istorya ito noon at tiyak magiging kontrobersiyal din sa oras na mapanood simula December 25.
Maganda ang pagkakasulat ni Eric Ramos sa Mamasapano: Now It Can Be Told na pinagbibidahan nina Edu Manzano, Paolo Gumabao, at Aljur Abrenica. At habang pinanonood namin ay nakaramdam kami ng lungkot, awa, at panggigigil. Kung bakit, dapat na panoorin ninyo ito sa mga sinehan sa Dec. 25.
Bukod sa istorya, may laban sa aktingan at ilang technical aspects ang pelikula. Napansin namin ang husay ni Paolo Gumabao na gumaganap bilang si Supt. Raymond Train, isa sa mga miyembro ng Special Action Force (SAF) na nakipagbakbakan laban sa mga rebeldeng terorista sa Maguindanao na nangyari noong January 25, 2015.
Mahusay ang reaction ng mukha ni Paolo habang inilalahad ang tunay na nangyari sa kanila habang nakikipakbakbakan.
Sa pelikula, matapang na ipinakita nina Eric at direktor nitong si Lester Dimaranan ang mga pangyayaring posibleng hindi pa alam ng mga Pinoy ukol sa totoong nangyari sa likod ng pagpatay sa mga SAF fighter at ang kung paano ito hinarap ng gobyerno sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Bukod kina Paolo at Edu na gumagamap bilang Gen. Benjamin Magalong at Aljur bilang Lt. Franco, kasama rin sa pelikula sina Alan Paule bilang Gen. Getulio Napenas, Rey “PJ” Abellana bilang Col. Pabalinas, Gerald Santos bilang Sgt. Lalan, Rez Cortez bilang Gen. Alan Purisima, Juan Rodrigo bilang Secretary Mar Roxas, at Jervic Cajarop bilang President Noynoy.
May special participation din sina Jojo Abellana, Ronnie Liang, Jim Pebanco, Tom Olivar, Rico Barrera, LA Santos, Marcus Madrigal, AJ Oteyza, Marco Gomez, Rash Flores, Elmo Elarmo, at Nathan Cajucom. May guest appearance naman sina Claudine Barretto, Ritz Azul, at Myrtle Sarrosa.
Pagkatapos ng premiere night hindi naman napigilan ni Atty. Ferdinand Topacio, ang producer ng Mamasapanomula sa kanyang Borracho Film Production na purihin ang acting nina Paolo at Aljur.
Aniya, “Intense, intense! At pati ‘pag-aaksyon nila, bumilib ako. Actually, the movie noong nakita ko tapos na, exceeded all our expectations. Napakaganda talaga.
“We owe it to the director. Ang ganda niyong photography, maniwala ka! Very innovative si Paul Magsino. Pati ‘yung editing. Siya na rin ang editor, eh.
“So, it was really a collective effort. Kami ‘yung nag-revise ng script. Ako na ‘yung nag-compose ng theme song.
“Kami na rin ang naglagay ng musical scoring. ‘Yung cinematography, location, kami na rin ang nag-location scout.
“Puro kami na rin. Sana kapag ipinalabas, hindi lang kami ang manood. May ibang manood,” sambit pa ni Topacio.