SA media conference ng My Teacher mula sa Ten17P at TinCan, na pinagbibidahan nina Toni Gonzaga at Joey de Leon ay hiningan ng reaksiyon si Carmi Martin, na kasama sa pelikula, tungkol sa sentensiya na pagkakakulong sa kanyang kaibigan na si Roderick Paulate mula anim hanggang 62 taon.
Nag-ugat ang kaso ni Roderick noong siya ay nanunungkulan bilang konsehal ng Quezon City dahil sa umano’y pagkuha niya ng 30 ghost employees mula July. hanggang November 2010.
“’Yun na nga! ‘Yun na nga ang tinatanong sa akin!” sabi ni Carmi. “Kasama raw ako roon? Kasi, Dick and Carmi raw?”
Ang ibig sabihin ni Carmi na Dick and Carmi ay dahil nagkasama sila noon ni Roderick sa musical varity show na Tonight With Dick and Carmi. Na roon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.
Patuloy ni Carmi, “Oh my God! I’m sorry to joke about it. I’m sorry to joke about it pero, you know, I text him.
“I told him, ‘Dick, alam ko naba-bother ka rito. I pray na malampasan mo ito. Pinagpe-pray kita.’
“Kasi, pareho na kaming may maintenance. Kaedad ko ‘yan, magsi-60 na rin iyan. So, alam ko kung paano naba-bother ‘yan.
“And I feel that na-victimize siya. Na alam mo ‘yun, sabi ko, ‘Ang dami nga riyang big fish, bakit hindi nahuhuli?!’ Ayun…”
Hindi pa nagkakausap sina Carmi at Roderick matapos pumutok ang naturang balita noong Disyembre 2.
“Hindi, eh. Parang… noong una, tinext ko siya. I don’t know if he changed his cell number, hindi sumagot,” tugon ni Carmi.
“Pero noong nag-message ako sa messenger niya, roon sumagot. Sabi niya, ‘I believe in prayers,’ ganoon. Sinabi ko, ‘Masyado akong concerned sa health mo.’
“Nakalulungkot naman talaga. Napakaganda ng ano, napakaganda ng pangalan ni Roderick as an actor.
“He is an icon, ‘di ba? Mula bata, roon ka pa mabiktima.”
Ang My Teacher ay isa sa official entry sa MMFF 2022. Showing na ito sa December 25.