NADAKIP ang 14 kataong sangkot sa illegal numbers game o bookies sa ikinasang 24-oras operasyon ng mga awtoridad sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Laguna nitong Linggo, 11 Disyembre.
Sa ulat ni Laguna PPO Acting Provincial Director P/Col. Randy Glenn Silvio, kay CALABARZON PNP Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., inaresto ang 14 suspek sa magkakahiwalay na operasyong isinagawa ng Calamba CPS, San Pablo CPS, Nagcarlan MPS, at Victoria MPS, nakompiska ang kabuuang halaga na P29,735 perang taya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang mga arestadong suspek ng mga arresting/operating unit habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa kasong paglabag sa PD 1602 na inamiyendahan ng RA 9287, nakatakdang isampa laban sa kanila.
Sa pahayag ni P/Col. Silvio, “Ang mga accomplishments na ito ay nagsisilbing babala sa ating mga kababayan na patuloy na tumatangkilik sa mga ilegal na sugal sa ating Lalawigan patuloy po ang aming mga operasyon laban sa mga ganitong gawain. (BOY PALATINO)