PANSAMANTALANG ipinassuspende ni Mayor Samuel Siddayao ng bayan ng Gattaran, sa lalawigan ng Cagayan, ang in-person classes sa isang mataas na paaralan matapos magtala ng 154 estudyante at mga gurong mayroong sintomas ng COVID-19.
Nitong Lunes, 5 Disyembre, naglabas si Siddayao ng executive order na nagsasabing inirekomenda ng rural health unit at ng municipal health office na pansamantalang kanselahin ang mga klase sa Calaoagan Dackel National High School – Capissayan Annex matapos lumabas sa pagsusuri na 145 estudyante at 9 guro ang mayroong lagnat, ubo, at sakit ng lalamunan.
Ayon sa alkalde, magtatapos ang suspensiyon ng face-to-face classes sa naturang paaralan sa 16 Disyembre.
Aniya, babalik muna sila sa blended learning sa loob ng dalawang linggo para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga estudyante, mga guro, at mga empleyado ng nasabing paaralan.