SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAKABULUHAN ang katatapos na palabas na isinagawa ng Clean Air Philippines Movement, Inc. (CAPMI) sa kanto ng Sct. Borromeo at EDSA noong Bonifacio Day, November 30.
Maraming celebrities, cosplayers at iba pang kilalang personalidad mula sa iba’t ibang larangan ang nakisaya at nakiisa sa ipinaglalaban ng CAPMI na pinangungunahan ng chairman nitong si Dr. Michael Aragon.
Ang nakababahalang isyu ukol sa climate emergency ang isa sa mga tinalakay ng mga personalidad na naanyayahan sa okasyon kaya naman lalong na-inspire ang CAPMI dagdag pa na maraming tao ang dumalo at nakiisa sa kanilang panawagan ukol sa climate change.
Dumalo ang singer-actor na si Lance Raymundo, ang character actress na si Chase Romero, at ang actress-beauty queen na si Ali Forbes na sumusuporta sa panawagan at pag-apela sa mga sinasabing polluters na bawasan na ang kanilang carbon footprints para makaiwas sa deadly effects ng climate change.
Sa pananaliksik, lumalabas na ang Pilipinas ay hindi carbon polluter na bansa, ang greenhouse gas emissions nito ay less than 1 per cent (0.03%) lamang kompara sa industrialized nations na gaya ng Tsina Amerika, India at marami pa.
Ang lead convener ng multi-sector na grupo ay ang environmental watchdog, ang CAPMI na gustong makatulong sa laban ng mundo kontra climate change.
“Tayo ngayon ay nasa proseso ng paghahain ng trillion dollar class suit laban sa mga polluter countries sa buong mundo.
“And to hold them responsible sa lahat ng epektong idinulot nito sa climate change ng ating bansang Pilipinas,” ani CAPMI President Dr. Leo Olarte.
“Ang international class suit ay ihahain sa international tribunal laban sa highly industriized carbon polluter na mga bansa gaya ng Amerika, Tsina, India, to hold them legally accountable sa naging makamandag na epekto nito hindi lang sa bansa kundi sa mundo,” sabi pa nito.
Kaya naman ang plano, hihingi sila ng sizable amount sa ating pamahalaan para magamit sa mitigation, adaptation, at resiliency programs.
Samantala, nagkaroon ng Costume With Dance challenge na ang grand prize ay P30,000 na ipinagkaloob sa best dance na may full costume. Lahat ng contestants ay rumampa sa kalye at sumayaw sa loob ng 25 minuto with marathon judging.
Nag-uwi naman ng P20,000, P15,000 sa 2nd place, P10,000 sa 3rd place habang ang consolation prizes ay P2,000 at P1,000 each sa cosplay contest na pagandahan ng costume.