MAHALAGANG mapanatili ang koordinasyon at pagkakaisa sa pagitan ng mga mamamahayag at ng Philippine Sports Commission (PSC) sa hangaring mapalawig ang mga programa ng pamahalaan at maisulong ang kaunlaran sa grassroots at elite level ng atletang Pinoy.
Iginiit ni PSC Chairman Noli Eala na kinikilala ng ahensiya ang papel ng sports writing community bilang tagapagtaguyod at pagbibigay ng kahalagahan sa sakripisyo ng mga atleta sa layuning mabigyan ng karangalan ang bansa sa malalaking kompetisyon sa abroad, gayondin ang maipahatid sa publiko ang ginagawang aksiyon at programa ng pamahalaan upang maabot ng mga atleta ang pagiging world-class.
“Kinikilala ng pamahalaan at ng PSC ang samahan ng mga sportswriters bilang partner sa pagsulong ng mga programa para sa kabataang Filipino at sa elite athletes na patuloy na nagbibigay ng karangalan at dangal sa ating bayan. Kayo ay tunay na kasama namin para ma-achieve ng bansa ang sports excellence sa atletang Pilipino,” pahayag ni Eala matapos pangunahan ang oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) nitong Huwebes sa PSC Conference Room.
Ayon kay Eala, mahalaga ang papel ng mga mamamahayag sa sports dahil nabibigyan nito ng kahalagahan ang ginagawa ng pamahalaan para sa atleta, gayondin ang pagtataguyod sa mga tagumpay ng atleta na nagiging tuntungan para sa mga kabataan na magsikap para matularan ang nagawa ng kanilang mga idolo.
Kompiyansa si Eala na walang magiging sagabal sa produktibong ugnayan ng PSC at ng TOPS.
Nagpasalamat ang dating PBA Commissioner sa paglalaan ng panahon upang mabigyan nang maayos na media coverage ang mga programa ng PSC kabilang ang katatapos na PSC Women’s Martial Arts na pinangasiwaan ni Commissioner Bong Coo.
Sa darating na 17-22 Disyembre, sa pakikipagtambalan sa pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur, isasagawa ng PSC ang pagbabalik ng Batang Pinoy – ang grassroots talent search ng ahensiya – sa Vigan City.
Puspusan na rin ang paghahanda ng PSC para sa pagsasanay ng atletang Pinoy sa malalaking torneo sa susunod na taon tulad ng SEA Games sa Cambodia, Asian Games sa China, at Asian Indoor Games. (HATAW Sports)