AABOT sa halos P2-milyong halaga ng mga fishing gear at tools ang nasabat mula sa dalawang bangkang pangisda sa Lamon Bay, sa lalawigan ng Quezon, nitong Lunes ng madaling araw, 28 Nobyembre.
Ayon kay Danilo Larita, Jr., ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nagsagawa ang mga tauhan ng Fisheries Law Enforcement Group katuwang ang Naval Forces-Southern Luzon, Coast Guard Station ng Guinayangan, Atimonan, at Calauag at Bantay Dagat-Calauag ng seaborne patrol operation sa bahagi ng Lamon Bay na nasa bayan ng Calauag.
Nabatid, ang mga commercial fishing boat na FBCa. R.N., pag-aari ng isang Miriam Alfuema; at FBCa King Arjay, pag-aari ng isang John Paul Norva, ay gumagamit ng Modified Danish Seine fishing (buli-buli).
Sinasabing nilabag ng dalawang bangkang pangisda ang Section 97 ng RA 8550 na inamiyendahan ng RA 10654 (ban on Muro-Ami, other methods, and gear destructive to coral reefs and another marine habitat) kaugnay sa FAO No. 246-a (banning the operation of Danish Seine and Modified Danish Seine in the Philippine waters).
Ani Larita, dinala ang mga bangka at mga nadakip na crew sa Alabat port para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon para sa pagsasampa ng karampatang kaso.