PATAY ang apat katao habang sugatan ang dalawang iba pa sa insidente ng barilan at tagaan dahil sa alitan sa lupa sa Sitio Kiabacat, Brgy. Songco, sa bayan ng Lantapan, lalawigan ng Bukidnon, nitong Linggo, 27 Nobyembre.
Kinilala ng Bukidnon PPO ang mga namatay na biktimang sina Rocky Cruz, 33 anyos; Rachel Cruz, 19 anyos; at Winlove Sinto, 30 anyos, may mga tama ng bala ng baril sa kanilang mga katawan, at si Daniel Lugnasan, 54 anyos, na tinaga ang mukha gamit ang itak.
Samantala, kinilala ng pulisya ang sugatang si Mael Lugnasan, 30 anyos, tinamaan ng bala ng baril sa kaniyang tiyan, at isang menor de edad na tinamaan ng bala ng baril sa kanyang kaliwa at kanang kamay, at kanyang tiyan.
Lumabas sa imbestigasyon na pinasok ng mga suspek na sina Julie Saway at kanyang mga anak na sina Dindo at Elfredie, pawang mga residente sa Brgy. Songco, at tatlong iba pang walang pagkakakilanlan, ang bahay ni Mael, anak ng may-ari ng lupa na si Daniel, saka siya binaril at ang kanyang tatlong kasama.
Matapos ang pamamaril, tumungo ang mga suspek sa kalapit na bahay ni Daniel saka siya tinaga hanggang bawian ng buhay.
Ayon kay P/Maj. Harvey Sanchez, imbestigador ng Bukidnon police, sa panayam nitong Lunes, 28 Nobyembre, inaangkin ng mga suspek na sila ang totoong may-ari ng 12-hektaryang lupa na pag-aari ni Daniel.
Ani Sanchez, ilang beses nang ipinatawag sa barangay ang dalawang partido upang magkaroon ng kasunduan ngunit patuloy pa rin ang kanilang iringan.
Ipinag-utos ng Bukidnon PPO sa Lantapan MPS na magsagawa ng follow-up investigation upang matukoy ang pagkakakilanlan ng iba pang mga suspek at maglunsad ng hot pursuit operation para sa kanilang pagkakadakip.