MA at PA
ni Rommel Placente
BONGGA si Glaiza de Castro, huh! Hindi lang kasi sa ating bansa kinikilala ang husay niya sa pagganap kundi maging sa ibang bansa.
Kamakailan ay siya ang itinanghal na Best Actress sa 29th Filipino International Cine Festival sa San Francisco, California, para sa pinagbidahan niyang pelikula na Liway.
O ‘di ba, international Best Actress na si Glaiza.
Bukod kay Glaiza, nagwagi rin para sa pelikula sina Kenken Nuyad bilang Best Actor, Dominic Rocco bilang Best Supporting Actor, at Kip Oebanda bilang Best Director.
Nanalo rin ng Best Screenplay si Kip kasama ang Kapuso director na si Zig Dulay.
“After four years na nakatatanggap pa rin ‘yung ‘Liway’ ng recognitions. Nakarating na kami ng States,” sabi ni Glaiza sa interview sa kanya sa 24 Oras.
Nasa kasagsagan ng shooting si Glaiza sa Canada nang mabalitaan niya ang pagkapanalo. Sa Toronto mismo binubuo ang naturang film project ni Glaiza, na collaboration ng isang Canadian group at ng Canadian government.
“Masaya kasi may mga kababayan tayo. Mayroon ding ibang people from Russia. So ibang work ethics, sobrang efficient,” sabi ni Glaiza.