NASUKOL nitong Lunes, 7 Nobyembre, sa Tuba, Benguet, ng mga awtoridad ang isang carwash boy na pinaniniwalaang nagnakaw ng isang sports utility vehicle (SUV) sa bayan ng Sanchez Mira, lalawigan ng Cagayan.
Ayon sa pulisya ng Cagayan, dinala ng may-ari ang kanyang Ford Everest Titanium sa ML Carwash upang ipalinis ito noong Huwebes, 3 Nobyembre.
Iniwan umano niya ang susi sa carwash boy na kinilalang si Emerson Domingo.
Ayon kay Domingo, dahil sa tagal ng paghihintay niya sa driver ng sasakyan matapos ang paglilinis nito, iniwan niya ang susi sa suspek na kinilalang si Hernand Zabaro, 24 anyos, isang carwash boy din, at residente sa Brgy. Malasin, Maconacon, Isabela.
Kinabukasan, 4 Nobyembre, binalikan ng driver ang sasakyan dakong 2:30 pm sa ML Carwash ngunit nawawala na ito at hindi rin sinasagot ng suspek ang kanyang cellphone nang siya ay tawagan.
Agad iniulat ang insidente sa pulisya at nagbigay ng alarma sa mga kalapit na estasyon.
Dito naharang ng Regional Highway Patrol Unit -Cordillera kasama ang mga tauhan ng Tuba MPS ang suspek dakong 2:00 pm kamakalawa.
Bago ang kanyang pagkakadakip, nabatid na nagpakarga pa ng gas ang suspek dakong 1:40 pm sa Flying V, sa Kennon Road, Camp 3, Tuba, Benguet saka tumakas nang hindi binabayaran ang gasolinang nagkakahalaga ng P6,030.
Isinumbong ito ng empleyado ng Flying V sa pulisya na agad nirespondehan ng mga operatiba hanggang magresulta sa pagkakaaresto sa suspek na walang maipakitang lisensiya at dokumentong makapagpapatunay na siya ang may-ari ng sasakyan.
Agad natukoy ang pinagmulan ng sasakyan dahil sa ipinadalang “flash alarm” ng Cagayan PNP.
Nakapiit na sa Sanchez Mira MPS ang suspek upang harapin ang mga kasong estafa at carnapping na isasampa laban sa kanya.