SUSPENDIDO ang senior high school principal sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan, habang iniimbestigahan ang alegasyong pambabastos laban sa isang 16-anyos estudyante.
Sa kanilang Facebook post nitong Lunes, 7 Nobyembre, inianunsiyo ng Liceo di San Lorenzo (LdiSL) ang suspensiyon laban kay Keive Ozia Casimiro.
“It has come to the attention of Liceo di San Lorenzo through Facebook Social Media Platform on the 6th of November 2022, 10:26 pm that there has been allegation of serious misconduct by a faculty member towards a student. Upon seeing the post, Liceo di San Lorenzo immediately issued letter of preventive suspension from work while investigation is being carried out,” bahagi ng kanilang pahayag.
Ayon sa LdiSL, maglulunsad sila ng komiteng magsasagawa ng pagsisiyasat kaugnay ng mga alegasyon kay Casimiro.
“All employees are expected to adhere to the code of conduct for Liceo di San Lorenzo staff and hold themselves up to high standards of professional and personal conduct. Staff who contravene the code of conduct will face disciplinary sanctions, which may include dismissal for serious breaches,” dagdag ng paaralan.
Inilabas ng paaralan ang kanilang pahayag isang araw matapos ilahad ng isang estudyante sa kanyang Facebook account ang pagpapadala sa kanya ng mga mensahe ng kanilang punong guro sa pamamagitan ng isang ‘alternate’ account.
Ayon sa estudyante, hindi propesyonal at nawiwirdohan siya sa pakikipag-usap sa kanya si Casimiro dahil sinabi ng punong guro kaya siya gumagamit ng ibang account dahil baka makita at pagselosan ng kanyang ‘partner.’
Sa screenshots ng pag-uusap nila na ipinaskil ng estudyante, paulit-ulit umanong iniimbatahan ni Casimiro na magkita sila at sinabing hihintayin siyang makapagtapos ng pag-aaral.
May isa pa umanong pagkakataon na sinabi ni Casimiro na kamukha ng estudyante ang kanyang dating karelasyon.
Sinabihan umano siya ni Casimiro na huwag siyang kausapin tungkol sa mga personal na bagay sa kanyang opisyal na account at kailangang manatiling sikreto ang kanilang ‘pagkakaibigan.’
Pahayag ng estudyante, pagod na siyang itago ang mga ito dahil natatakot na siya.
Samantala, ilang mga estudyante at alumni ang nagkomento sa post na nagpapatunay umano sa pang-aabuso at pambabastos ni Casimiro katulad ng panghihipo, pagbabanta, at pakikipagkita kapalit ng pera.