HANDANG magbigay ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga ng P2-milyong pabuya sa anomang impormasyong makatutulong sa pagdakip sa mga suspek sa pamamaslang ng contractor at retiradong pulis na si Alvin Perez.
Idineklara ni Zamboanga City Mayor John Dalipe sa flag raising ceremony nitong Lunes, 17 Oktubre, ang pagbibigay ng P2,000,000 pabuya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga taong responsable sa pananambang.
Unang kinondena ng alkalde ang pamamaslang sa dating pulis na kilala bilang masugid niyang tagasuporta at ng kanyang kapatid na si Congressman Mannix Dalipe.
Ani Dalipe, maaaring ipagbigay-alam sa Zamboanga City Police Office ang impormasyong makapagtuturo sa mga suspek.
Itinatag ng Zamboanga City Police sa pamumuno ng kanilang hepeng si P/Col. Alexander Lorenzo ang Special Investigation Task Force Alvin Perez na nag-iimbestiga sa kaso.
Tinambangan at pinagbabaril si Perez ng apat na suspek, sakay ng motorsiklo malapit sa kanyang bahay sa Divisoria, sa lungsod ng Zamboanga noong nakaraang Huwebes, 13 Oktubre, na kanyang ikinasawi at ikinasugat ng kanyang bodyguard.