ARESTADO ang No. 5 most wanted sa provincial level sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna, nitong Linggo, 11 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, OIC ng Laguna PPO, ang akusadong si Dennis Olivarez, 34 anyos, fish vendor, at nakatira sa Brgy. Sampiruhan, sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Calamba CPS, nagkasa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa Brgy. Sampiruhan,
dakong 10:35 am.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law na isinampa noong 5 Agosto, rekomendado ng piyansang P300,000 na inisyu ng Calamba City Regional Trial Court (RTC) Branch 36.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang suspek habang ang korteng pinagmulan ng warrant of arrest ay iimpormahan sa kanyang pagkakaaresto.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Ang aming mga operasyon laban sa wanted persons ay pinagsama-samang pagsisikap ng PNP at ng komunidad. Kinikilala namin ang mga pagsisikap ng mga nagmamalasakit na mamamayan na tulungan kaming magsilbi ng hustisya sa mga biktima ng mga pang-aabuso.” (BOY PALATINO)