NASAKOTE ang pangalawang most wanted person sa Provincial Level sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Cruz, lalawigan ng Laguna, nitong Martes ng gabi, 6 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, OIC ng Laguna PPO, ang suspek na si Edmar Bacaling, 26 anyos, panadero, at residente sa Brgy. Sto. Angel Central, sa nabanggit na bayan.
Sa isinagawang manhunt operation ng Sta. Cruz MPS, dakong 9:27 pm kamakalawa, nadakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Sta. Rosa, Laguna RTC Branch 101 para sa dalawang bilang ng kasong Lascivious Conduct Under Sec. 5 (B) sa ilalim ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, may petsang 23 Agosto 2022, rekomendado ng piyansang P400,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Cruz MPS habang ang korteng pinagmulan ng warrant of arrest ay iimpormahan sa pagkaaresto ni Bacaling.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Ito ang patunay na ang Laguna PNP ay hindi tumitigil sa paggawa ng manhunt operation sa pagsawata sa mga nagtatago sa batas upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.” (BOY PALATINO)