MA at PA
ni Rommel Placente
NAGPALIWANAG si Lyca Gairanod ukol sa controversial answer niya sa Family Feud nang sumali siya rito at ang kanyang pamilya.
Nilinaw ng singer na wala siyang nais ipakahulugan sa naging sagot niya at idinenay din niyang ang kasalukuyang presidente ng Pilipinas na si Bongbong Marcos ang kanyang tinutukoy.
Nag-viral kasi sa Twitter ang video clip na kuha sa episode ng Family Feud, na tinanong siya kung sa anong hayop inihahalintulad ang corrupt na politiko. At ang naging sagot niya ay sa tigre. Kilala sa bansag na “Tiger of the North” si PBBM at ito rin ang pakilala sa kanya nitong nagdaang election campaign.
Sabi ni Lyca, “Guys, iki-clear ko lang ‘yung about sa issue na kumakalat noong [August] 15. Actually guys, hindi ko siya itinutugma sa presidente natin and siyempre wala naman kaming karanasan sa Martial Law or whatever.”
Aniya, naintindihan naman niya ang itinanong sa kanya ni Dingdong Dantes ngunit kapag ikaw na raw mismo ang nakasalang ay may pagkakataong mabibigla ka rin sa sagot mo at mabablangko.
“Ang hirap sumagot nang biglaan kasi nga mayroon lang kayong 3 seconds,” dagdag pa ni Lyca.
Hindi rin naman niya mapipigilan ang mga tao na magbigay ng opinyon ukol sa nangyari.
“Natatawa nga ako sa mga gumagawa ng isyu. Ginagawa nilang personal or ‘yung iba, hindi maka-move on pero at least ‘yung presidente natin nakaupo na,” sabi pa ni Lyca.
Kaya naman humingi na rin siya ng tawad sa mga taong na-offend sa kanyang sagot na tigre lalo na kay PBBM.