NATAGPUAN ang katawan ng isang lalaking pinaniniwalaang biktima ng ‘salvage’ o summary execution sa Maharlika Highway, sa bayan ng Pagbilao, lalawigan ng Quezon, nitong Sabado, 20 Agosto.
Nabatid, pangatlo ito sa mga natagpuang katawan sa lalawigan sa loob ng isang lingo.
Ayon sa lokal na pulisya, nadiskubre ng isang concerned citizen ang bangkay sa gilid ng kalsadang bahagi ng Sitio Sapinit, Brgy. Silangang Malicboy dakong 7:40 am kamakalawa.
Tinatayang nasa edad 40 hanggang 50 anyos ang biktimang may tama ng bala ng baril sa ulo, nakasuot ng abohing kamiseta at itim na pantalon, at may mga tattoo sa kanang braso at dibdib.
Walang iniulat na nakitang basyo ng bala ng baril sa lugar.
Tinitipon ng pulisya ang mga kuha ng CCTV at nagsasagawa ng panayam upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon kay P/SSgt. Jeruel Siorez, officer-on-case, posibleng sa ibang lugar pinaslang ang biktima at itinapon sa naturang lugar.
Nitong Huwebes, 18 Agosto, natagpuan sa Eco-Tourism Road, Brgy. Bignay, Sariaya ang katawan ni Eugene del Rosario, dating delivery rider na dinukot ng mga armadong lalaki sa Taal, Batangas.
Samantala, isang naiulat na nawawalang delivery rider sa Bulacan ang natagpuan sa Brgy. Lumingon, Tiaong noong Martes, 16 Agosto.
Kinilala ang biktima ng kanyang kapatid ang biktima na si Melvin Bedania, 36 anyos.
Ayon kay Melody Coralde, kapatid ng biktima, huling nakitang buhay ang kanyang kapatid sa San Jose del Monte, Bulacan noong Linggo, 14 Agosto nang magpaalam na bibiyahe para umano makabili ng gamit ng kanyang anak para sa nalalapit na pasukan.