NAGREKLAMO ang apat na tumakbong konsehal sa nakalipas na halalan sa Law Department ng Commission on Elections (Comelec) ukol sa paglabag sa Sec. 261 ng Omnibus Election Code o vote buying.
Kabilang sa naghain ng reklamo noong 17 Agosto 2022 sa Comelec sina Aileen Jimena Rosales, Joey Uy Jamisola, Bernie Manikan, at Ernesto Cruz, Jr.
Kalakip ng kanilang inihaing reklamo ang mga ebidensiya katulad ng video clips, mga retrato, at mga testimonya ng ilang mga testigo.
Kabilang sa sinampahan ng reklamo sina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo Nieto, Maile Atienza, Terrence Alibarbar, Johanna Maureen Nieto-Rodriguez, Joel Chua , Jhong Isip, at Timothy Oliver Razcal.
Umaasa si Atty. Cezar Brillantes, abogado ng mga naghain ng reklamo sa Comelec na tatayo ang kanilang kaso batay na sa mga ebidensiyang kanilang isinumite bukod sa mga testimonya.
Ayon kay Brillantes, hindi nila pinilit, tinakot o inalok ng kahit ano ang kanilang mga testigong nagsumite ng mga sinumpaang salaysay batay sa kanilang nasaksihan.
Ikinatuwiran ni Brillantes kung bakit ngayon lamang sila naghain ng reklamo ay dahil nangalap pa sila ng mga sapat na ebedensiya para panindigan ang reklamo laban sa mga akusado.
Magugunitang si Chua ang pangunahing konsehal na lumagda sa pagpapahintulot ng konseho ng lungsod ng Maynila kay dating Manila Mayor Isko Moreno na ibenta ng Divisoria Public Market.
At matapos din ang nakalipas na halalan ay magkasunod na giniba ng Manila City Engineer ang barangay hall nila Chairman Rosales at Jamisola na pawang natalo sa nakalipas na halalan.
Nakatakdang sagutin ng mga inaakusahan ang reklamo laban sa kanila. (NIÑO ACLAN)