ARESTADO ang isang lalaking nasamsaman ng higit sa P40,000 halaga ng hinihinalang shabu nitong Lunes ng gabi, 15 Agosto, sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Cecilio Ison, Jr. ang suspek na si Menard Latigay alyas Cyruz, 18 anyos, at residente ng Purok 7, Brgy. Parian, sa nabanggit na lungsod.
Nadakip ang akusado dakong 8:48 ng gabi kanyang bahay sa isinagawang buybust operation ng mga operatiba ng Calamba CPS sa koordinasyon ng PDEA Laguna.
Nakumpiska mula sa suspek ang limang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na anim na gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P40,800; drug money; at buybust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang isusumite ang mga nakuhang ebidensya sa Laguna Provincial Forensic Unit para sa forensic examination.
Pahayag ni P/Col. Ison, Jr., “Layunin ng Laguna PNP na paigtingin ang operasyon kontra ilegal na droga upang maalis ang iba pang krimen na nagkokonekta dito. Ang pag-aresto sa mga tulak ng droga ay makakapigil sa paglaganap ng ilegal na droga sa lalawigan.”
Ani P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., Regional Director ng PRO4-A PNP, “Kapuri-puri ang matagumpay na operasyon ng pulisya laban sa iligal na droga. Ito ay laban ng PNP at buong komunidad. Itutuloy ng CALABARZON PNP ang pagkakakulong sa mga druggies na ito.” (BOY PALATINO)