NAHULOG sa isang bangin sa Sayre Highway, sa bayan ng Manolo Fortich, lalawigan ng Bukidnon ang isang bus na may sakay na 31 pasahero nitong Sabado ng gabi, 13 Agosto.
Ayon kay P/SMSgt. Larie Eco, imbestigador ng Manolo Fortich MPS, bagaman walang naiulat na namatay sa aksidente, lima sa 31 pasahero ang naiulat na bahagyang nasugatan.
Sa ulat ng Manolo Fortich MPS, minamaneho ng driver na kinilalang si Tommy Magno ng Bunawan, Agusan del Sur, ang bus mula Cagayan de Oro City patungo sa lungsod ng Davao.
Habang binabagtas ang pababa at nakakurbang kalsada sa Brgy. Tankulan, nagloko ang preno ng bus kaya nawalan ng kontrol ang driver at nahulog sila sa bangin.
Dinala ang lahat ng pasahero sa Bukidnon Provincial Hospital Annex sa Brgy. San Miguel, Manolo Fortich para sa agarang atensiyong medikal.
Nagpahayag ang mga kinatawan ng bus company na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa pagamutan ng mga pasahero.
Samantala, nakipag-ugnayan na ang pulisya sa kompanya at sa lokal na pamahalaan upang makuha ang bus mula sa bangin.