TATANGGAP ng P10,000 ang mga empleyadong nasa ‘job order status’ sa lungsod ng Mandaluyong.
Sa deklarasyon ni Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos, Sr., tatanggap ng buwanang sahod na P10,000 ang mga empleyado simula sa 1 Setyembre.
Ani Abalos, kinausap niya ang konseho at city budget department upang pondohan ang suweldo ng job order employees ng lungsod.
Nalungkot umano ang alkalde nang malamang may mga empleyadong tumatanggap ng P265 kada araw kabilang ang street sweepers, traffic enforcers, at mga pumapasok sa city hall.
Dagdag ni Abalos, mababa ang tinatanggap na arawang sahod ng mga empleyado at kailangan pa nilang mag-commute patungo sa trabaho kaya hindi na niya ginawang mandatory ang uniporme.
Nagpapasalamat ang alkalde sa konseho at sa budget department ng lungsod sa pag-aproba ng pagtataas ng sahod ng mga empleyado.
Ayon sa alkalde, karamihan sa mga city government job order employees ay nagtatrabaho biglang frontliners na dapat pagmalasakitan o kilalanin ang kritikal nilang trabaho. (EDWIN MORENO)