GRABENG napinsala pero nakaligtas sa kamatayan ang isang 26-anyos lalaki nang tangkaing magpakamatay sa pamamagitan nang pagtalon mula sa dulong bahagi ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay kahapon.
Agad isinugod ng Manila International Airport Authority (MIAA) medical team sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang kinilalang si Michael Laureño, isang helper ng Haiasi Company, naninirahan sa Sto. Tomas, Batangas.
Matinding pagdurugo sa ulo at sa bibig na halos ikaubos ng kanyang mga ngipin ang pinsala kay Laureño ng kanyang pagtalon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap 12:36 pm, ‘di kalayuan sa Sweet Ideas resto at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) lounge na nasa loob ng departure area.
Ayon sa ilang naghahatid ng kanilang mga kaanak at pasahero, nakita nila ang biktima na hindi mapakali sa isang sulok at ilang sandali ay bigla na lang sumampa sa gilid ng semento at saka tumalon.
Isang malakas na lagabog ang narinig ng isang security guard na nakatalaga sa AGMSES Building, na siyang nakakita sa duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa gang chair.
Isinusulat ang balitang ito’y patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang kondisyon ni Laureño. (RR)