WALA nang buhay ang katawan ng isang negosyanteng mula Zambales nang matagpuan sa isang kanal ng irigasyon sa bayan ng Llanera, sa lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado ng gabi, 30 Hulyo.
Kinilala ng Llanera MPS ang biktimang si Paquito de Guzman, 66 anyos, residente sa Iba Zambales, tubong Brgy. San Vicente, Llanera at nagmamay-ari ng taniman ng sibuyas.
Nabatid na mayroong tama ng bala ng baril sa ulo ng biktima nang makita ang kanyang katawan sa kanal ng irigasyon sa Brgy. Sta. Barbara habang naiwan sa Sta. Maria, Pangasinan ang kanyang sasakyan.
Sa pahayag sa pulisya ni Brenda de Guzman-Cortez, anak ng biktima, umalis ang kanyang ama sa kanilang bahay sa Brgy. San Vicente noong Huwebes ng umaga, 28 Hulyo, sakay ng kulay kahel na pick-up truck na kalaunan ay natagpuan sa Pangasinan na puro dugo at kalat-kalat na dokumento sa loob nito.
Naiulat na mayroon siyang dalang P3.5 milyong cash pambili ng dump truck ngunit hindi ito natagpuan ng mga awtoridad.
Huli siyang nakita noong Huwebes ng hapon, kausap ang tatlong hindi kilalang tao sa isang convenience store sa Bongabon, Nueva Ecija.
Dagdag ni Cortez, nagpapadala siya ng text sa ama ngunit hindi na nagawang sumagot ng biktima pagdating ng gabi na kanyang ipinag-alala.
Ani Cortez, laging sumasagot ang kanyang ama sa tuwing magte-text siya at kung naliligo o nagmamaneho ay tinatawagan siya pagtapos ng ginagawa.
Lumabas sa awtopsiya na ang tama ng baril sa ulo ang sanhi ng kamatayan ng biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamaslang.