SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAANGHANG ang mga binitiwang salita ni Atty Vince Tanada ukol sa makakatapat nilang pelikula sa Agosto 3 sa mga sinehan. Si Vince ang isa sa bida, producer, writer at direktor ng Katips: The Movie at makakatapat nila ang Maid in Malacanang ng Viva Films na idinirehe ni Darryl Yap.
Ang Katips: The Movie ay ukol sa Martial Law na ipinrodyus ng Philstager’s Films na tinatampukan din nina Jerome Ponce, Mon Confiado, Johrey Rivas, Lou Veloso, Nicole Laurel Asensio, Adelle Ibarrientos, Sachzna Laparan, Joshu Bulot, Vean Olmedo, Carla Lim, Patricia Ismale, Dexter Doria, afia Africa, OJ Arci, Ricky Brioso, at Liam Tanare.
Sinabi ni Atty. Vince na gusto niyang maibahagi ang mga totoong nangyari noong Martial Law. “Hindi na ako magpapatumpik- tumpik, at palagay ko nilabanan ko ang ‘Maid in Malacanang.’
“Tsina-challenge tayo ng ‘Maid in Malacanang’ kaya nag-react ng ganoon si direk Joel Lamangan. Sabi ni direk Joel gagawa siya ng mga pelikula, ito nagawa na namin, 2021 pa. Sabi ko now is the time, after the 17 nominations at after ng promotions ng ‘Maid in Malacanang’ we are head to head, kasi this is about the truth and nobody can invalidate my personal experience as a victim of Martial Law.
“Kaya kung sinasabi nila na ‘yun ang naramdamamn ng pamilya (Marcos) bago sila ipinatapon sa Hawaii ito naman ang naramdaman namin noong sila pa ang naghahari. At kailangan itong maipakita. Sa Aug 3 ang showing nito, sabay na sabay sa ‘Maid in Malacanang.’”
Iginiit pa ng ni Atty Vince patungkol sa pelikulang pinamahalaan ni Darryl, “They are presenting fake news and we are presenting the truth!”
Sa kabilang banda, tatlong dekada na sa teatro si Atty. Vince kaya masaya siya na nadala niya sa pelikula iyong nakasanayan niyang gawin sa teatro.
Aniya hindi ang pelikula ang nag-adjust sa teatro kundi dinala niya iyong teatro sa paraang hindi tayo nahirapan.
“It’s not normal for us to see Filipino musicals being produced in film kaya bagong experience rin ito kaya tayo na-nominate (siguro),” sambit pa ng abogado.
Hindi naman itinago ni Vince na marami rin silang kinaharap na challenge habang ginagawa ang Katips: The Movie bukod sa gastusin.
“Ang pinaka-challenge is most of our cast member who are also acting in theater, we thought we will stage a musical tapos kukunan sila in a way na parang nabago ang sistema nila. Kasi ilang beses silang nagpapa-cut tapos inuulit, tapos ‘yung iba lalo ‘yung mga taga-teatro unang take pa lang natin nag-iiyakan na agad. So sabi ko hindi pa iyan, walo pa kaya medyo emotionally draining on their part,” anito pa.
Orihinal na pinalabas ang Katips: Mga Bagong Katipunero sa entablado noong 2016 na nagwagi sa Aliw Awardsbilang Best Musical Performance.
“I believe that sharing the story of students fighting for freedom in the middle of a force too big for them to control would be timely metaphorical representation about our society today as we fight against the menace that continues to eat at our freedom as human beings,” sambit pa ng producer, writer at direktor.