NASAMSAM ng mga awtoridad ang sari-saring mga baril at mga pampasabog sa isinagawang pagsisilbi ng search warrant sa Sitio Marecacawan, Brgy. Quipot, sa bayan ng San Juan, lalawigan ng Batangas nitong Sabado ng umaga, 16 Hulyo.
Sa ulat ni P/Col. Glicerio Cansilao, Provincial Director ng Batangas PPO, kay P/BGen. Antonio Yarra, Regional Director ng PRO4-A PNP, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit-Batangas PPO (lead unit), Office of the Provincial Director – Drug Enforcement Unit, Batangas Provincial Mobile Force Company/Special Weapon and Tactics, 403rd A MC, RMFB-4A, RID4A-RIT Batangas, RIU-4A, NISG Southern Luzon, at San Juan MPS sa bahay ng suspek na kinilalang si Jay R. Bas, 37 anyos, tubong Davao City ngunit kasalukuyang naninirahan sa nabanggit na bayan.
Wala ang suspek sa kanyang tahanan ngunit nakompiska mula sa kanyang bahay ang iba’t ibang kalibre ng baril tulad ng Cal. 5.56 rifle Colt, Cal. 9mm pistol, Cal 9mm Jericho, Armscor Cal. 40 pistol, mga magasin, bala ng iba’t ibang kalibre ng baril, at mga pampasabog tulad ng rifle grenade with tracing bullet, MK 2 hand grenade fragmentation, M26A2 hand grenade fragmentation, at iba pang mga kagamitan.
Napag-alamang miyembro ang suspek ng Eleazar Rocio Criminal Group na nag-o-operate sa ikaapat na distrito ng Batangas.
Inilabas ang naturang search warrant ni Presiding Judge Rosemarie Manalang-Austria, Rosario, Batangas RTC Branch 87 na may petsang 14 Hulyo 2022.
Samantala, inihahanda na ang mga dokumento upang masampahan ng mga kaukulang kaso ang suspek.
Pahayag ni P/BGen. Yarra, “Ang matagumpay na pagkakakumpiska sa mga kagamitang nabanggit ay katunayan lamang na seryoso ang pulisya sa pagtugis sa mga kriminal na sumisira sa kaayusan at kapayapaan ng lugar. Hindi po tayo titigil hangga’t hindi nahuhuli ang mga kriminal.” (BOY PALATINO)