Nasakote ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang magkahiwalay na buybust operation sa lungsod ng Sta. Rosa, lalawigan ng Laguna, nitong Sabado, 16 Hulyo.
Sa ulat ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., Acting Provincial Director ng Laguna PPO kay P/BGen. Antonio Yarra, Regional Director ng PRO4-A PNP, kinilala ang mga suspek na sina Simplicio Sales, Jr. alyas Junior, 40 anyos, construction worker, residente ng Brgy. Pooc; at Jerome Luna alias Job, 33 anyos, dispatcher, residente ng Brgy. Balibago, pawang sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Sta. Rosa CPS, nadakip ang dalawang suspek sa magkahiwalay na operasyon dakong 2:30 at 4:02 ng madaling araw kamakalawa matapos mabilhan ng ilegal na droga ng nagpanggap na poseur buyer na miyembro ng Drug Enforcement Team sa pangunguna ng P/Maj. Fernildo De Castro, Deputy Chief of Police kapalit ng buybust money sa Brgy. Pooc, at Brgy. Tagapo, sa nasabing lungsod.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang mga paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu na tintayang nagkakahalaga ng P6,500.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Rosa PNP ang mga naarestong suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pahayag ni P/Col. Ison, “Nagpapasalamat naman ako sa ating mga kababayan sa lalawigan ng Laguna, dahil nagiging madali sa Laguna PNP ang pagtugis ng mga sangkot sa iligal na droga dahil sa mga impormasyon na ibinibigay ng ating mga kababayan”.
Ani P/BGen. Yarra, “Nagiging epektibo ang kampanya kontra ilegal sa buong Rehiyon CALABARZON dahil sa magandang samahan ng pulisya sa ating komunidad na maging sa ating mga stakeholders.” (BOY PALATINO)