TINIYAK ng Food and Drug Administration (FDA) na ligtas kainin ang produktong instant noodles na Lucky Me.
Ang pagtitiyak ng FDA ay matapos lumabas sa resulta ng FDA-accredited international independent laboratory na negatibo ang Lucky Me sa ethylene oxide (EtO).
“Ang resultang ito ay nagpapatotoo sa aming paninindigan na ligtas ang aming mga produkto. Kami ay desidido at tiyak na maglalabas at gagawa ng matataas na uri at kalidad ng produkto,” batay sa pahayag ng Monde Nissin Corporation.
Pumasa rin ang Monde Nissin sa iba’t ibang pagsusuri o inspeksiyong isinagawa ng FDA upang matukoy kung talagang mayroong taglay na EtO ang local Lucky Me.
“Kami ay handang makipagtulungan sa FDA at pamahalaan upang matiyak ang isang ligtas na pagkain o produkto. At handa kaming sumunod sa lahat ng alituntunin at regulasyon para sa produksiyon ng Lucky Me!” pahayag ng kompanyang Monde Nissin Corporation. (NIÑO ACLAN)