AYON sa report, ang bakbakang Errol Spence Jr. vs. Terence Crawford para sa undisputed welterweight championships ay ikinakasa na.
Sinabi ni ESPN’s Mike Coppinger na ang kongretong ‘agreement’ ng dalawang boxing superstars ay malapit nang maayos at posibleng mangyari ang laban sa Oktubre.
Pero hindi nawawala ang espekulasyon ng mga eksperto na malaki rin ang posibilidad na hindi mangyari ang laban dahil ang partnership ni Crawford sa Top Rank ay magtatapos sa Nobyembre.
Si Spence ay nasa pangangalaga ni Al Haymon na bumuo sa Premier Boxing Champions. At ang PBL ay hindi nakikipagsosyo sa ibang promoter, ayon kay Coppinger.
“I’m free to do whatever I want,” sabi ni Crawford kay Coppinger. “There’s nothing standing in the way from us fighting. There’s no promotion company that’s blocking it, there’s no wrong side of the street, there’s no nothing. Let’s see who the best welterweight in the world is.”
Unang nagparingginan sa Twitter sina Crawford at Spence nung nakaraang buwan nang magbiro ang huli tungkol sa rekord ng trainer ng una bilang boxer.
Hindi na pinalala ng dalawa ang biruin nila sa social media. At nilinaw ni Spence na dapat lang na magkaharap ang dalawang magaling na boxers sa welterweight. Pag-uulit iyon sa naging pahayag niya nang talunin niya si Yordenis Ugas noong Abril 16. Malinaw na hinamon niya si Crawford.
“Everybody knows who I want next. I want Terence Crawford next,” sabi ni Spence. “That’s the fight I want. That’s the fight everybody else wants.”
Si Crawford (38-0) ay naging kampeon ng WBO welterweight pagkaraang gibain niya si Jeff Horn noong 2018. At naging matagumpay na dinipensahan ang kanyang titulo ng limang beses. Ang panghuli ay nang tibagin niya si Shawn Porter via 10th-round TKO noong Nobyembre.
Napanatili naman ni Spence (28-0) ang WBC at IBF welterweight titles at idinagdag niya sa listahan ng kanyang titulo ang naagaw niyang WBA welterweight kay Ugas.