INIWAN na ni Kai Sotto ang dati niyang agent na si Joel Bell pagkaraang mabigo siyang ma-draft sa 2022 NBA Draft. At ngayon nga ay gumagawa siya ng hakbang para mapabuti ang kayang basketball career.
Nung nakaraang Miyerkoles ay inanunsiyo ng 7-foot-3 na sentro na pumirma siya sa kilalang sports agency na Wasserman.
Ang Wasserman na nakabase sa Los Angeles ay sumikat dahil sa maganda nilang track rekord sa pag-aalaga sa mga atleta para mapaganda ang kanilang piniling career. Ilan sa manlalaro na nanggaling sa kanila ay sina dating NBA Most Valuable Player awardees na sina Russell Westbrook at Derrick Rose, ang rookie ng Detroit Pistons na si Jalen Duren, at four-time champion Klay Thompson.
Ang Wasserman din ang nag-alaga sa mga high-profile na atleta tulad nina Megan Rapinoe ng US women’s football team at Olympic Swimming champion Katie Ledecky.
In fairness kay Joel Bell, ang ahente ang siyang nagpursige para makalaro ang 20-year-old na si Sotto sa Adelaide 36ers ng National Basketball League sa Australia.