SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAHIYAIN pero tiyak lalamunin ka niya oras na kumanta na. Ito si Nic Galano na nawawala at nakakalimutan ang hiya sa oras na kumanta. Naroon kasi ang kanyang power para makipag-usap ng mata sa mata. Idagdag pa ang confidence na mahusay siya sa kanyang talento.
Kaya nga ang biro sa kanya sa isinagawang launching niya kamakailan sa Palm Grill Restaurant bilang talent ng ARTalent Management ni Doc Art Cruzada, idaan ang pagsagot sa kanta para mawala ang pagkamahiyain.
Aminado si Doc Art na treasure ng ARTalent Management si Nic dahil sa husay at ganda ng boses nito. Kaya naman bago o pagkatapos ng kanyang concert sa August 11 sa Music Box na ididirehe ng kaibigang Obette Serrano ilulunsad muna ang kanyang unang solo single at pagkaraan ay ang album. At ang mga awitin ay posibleng manggaling kay Vehnee Saturno at ang iba ay komposisyon mismo ni Nic.
Napag-alaman naming marami na ring naisulat na kanta si Nic noon pa man. Katunayan, kinanta na nito ang isa sa komposisyon niya noong unang ipakilala siya sa ilang entertainment press nang ilunsad ang ARTalent Management, ito ang Tayong Dalawa.
Umaasa si Nic na maisasama niya sa kanyang album itong Tayong Dalawa.
Si Nic ay ipinanganak sa Tuguegarao, Cagayan noong August 24, 1998 at ang mga magulang niya ay sina Dr. Nicasio Galano Jr, at Dr. Vigilyn Alan-Agustin. Nag-aral ng elementarya si Nic sa Isabela Unified School sa Iligan City, sa Casa del Nino Montessori naman sa kanyang secondary at sa Feati University Theology ng kursong Mass Communication.
Bago sumabak sa Idol Philippines Season 1 si Nic noong 2018, naging bahagi muna siya ng Aparri Bible Seminary at Lucky 9 boyband member.
Malaki ang pasasalamat ni Nic sa pagkakuha sa kanya ng ARTalent Management. Aniya, “Kay Doc Art na napakabait sa akin, thank you very much po. Marami po siyang plano hindi lang sa akin kundi sa iba pang artists ng ARTalent. Nagpapasalamat ako na napasama ako rito sa ARTalent. Naniniwala ako na matutulungan ako ni Doc Art sa aking music career. At matutulungan din niya ako sa aking physical appearance at personality.
Bukod sa pagkanta gusto ring subukan ni Nic ang pag-arte. Pero bago iyon, titiyakin muna ni Doc Art na makikilala ang isang Nic Galano sa music industry.