NABISTO dahil sa pekeng identification cards (IDs) ang dalawang drug suspects sa ikinasang Oplan Sita ng awtoridad sa Angono, Rizal.
Kinilala ni PRO4A Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, ang dalawang naaresto na sina Prince Noblejaz, 22 anyos, at Rayven Ramirez, 24 anyos. kapwa residente sa Rodriguez St., Brgy., Sto. Niño, Angono.
Dakong 8:10 pm nitong 9 Hulyo, nadakip ang dalawang suspek sa Manila East Road, Brgy., San Roque sa nabanggit na bayan.
Lumilitaw na sakay ng motorsiklo o Suzuki Raider ang dalawa nang sitahin ng operatiba sa paglabag sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code dahil sa kawalan ng valid license ID.
Dito hiningan din ang backrider ng ID ngunit pagbukas ng bag, tumambad sa mga operatiba ang ilegal na droga o shabu.
Ayon sa pulisya, aabot sa 25 grams ang shabu na nagkakahalaga ng P212,500, 2 cellphones at isang Suzuki motorcycle ang nakompiska sa dalawang suspek. (EDWIN MORENO)