NADAKIP ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa ikinasang magkahiwalay na buy bust operation sa bayan ng Sta. Cruz, lalawigan ng Laguna, nitong Miyerkoles, 6 Hulyo.
Iniulat ni Laguna PPO Acting Provincial Director P/Col. Cecilio Ison, Jr., kay CALABARZON Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, ang pagkakaaresto sa dalawang suspek sa isinagawang buy bust operations ng Sta. Cruz MPS.
Sa direktang pangangasiwa ni P/Lt. Col. Paterno Domondon, Jr., hepe ng Sta. Cruz MPS, nasukol ang suspek na kinilalang si Arnold Siscar, 46 anyos, karpintero, at residente sa Brgy. Sto. Angel Central, sa naturang bayan dakong 8:00 pm kamakalawa sa nabanggit na barangay.
Nakompiska ng Drug Enforcement Unit ang anim na sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na 1.2 gramo at nagkakahalaga ng P8,160; isang plastic case; at buy bust money.
Gayondin, arestado ang suspek na kinilalang si Ronaldo Bagayawa, 38 anyos, walang trabaho, at residente sa Sitio Maunawain, Brgy. Duhat, Sta. Cruz dakong 5:30 pm kamakalawa sa Sitio Ilaya, Brgy. Gatid, sa naturang bayan.
Nakompiska mula sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na isang gramo at nagkakahalaga ngP6,800; isang pirasong sigarilyo; at buy bust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Cruz MPS ang mga naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang isusumite sa Laguna Provincial Forensic Unit ang mga nasamsam na ebidensiya para sa pagsusuri.
Pahayga ni P/BGen. Antonio Yarra, “Pinupuri ko ang Sta. Cruz MPS para sa operasyong ito. Patuloy nating pinaiigting ang ating anti-illegal drug operations para makontrol ang paglaganap ng mga mapanganib na droga sa ating area of responsibility.” (BOY PALATINO)