NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaking wanted sa kasong murder at sinasabing lider ng grupong gun-for-hire at mga holdaper nitong Sabado ng umaga, 2 Hulyo, sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal.
Kinilala ang suspek na si Jed Patrick Real, 38 anyos, binata, nakatira sa Phase 3 Virginia Subd., Brgy. Mambugan, sa nabanggit na lungsod.
Inaresto ang suspek dakong 11:00 am noong Sabado sa Marcos Highway, Blue Mountain Subd., Brgy. Mambugan, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Rey Rangco Lor ng Antipolo City RTC Branch 138 para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa pulisya, nadakip ang akusado sa ipinatupad na Oplan Tugis at Salikop ng magkakasanib na puwersa ng mga oepratiba ng Southern Metro Manila District Field Unit ng NCR-CIDG na nanguna sa operasyon, CIDG 4A, RIU 4A, DMFB SPD, at Antipolo PNP.
Sa talaan ng pulisya, lumilitaw na ang suspek ay lider ng JP Real Criminal Group (Unlisted) na sangkot sa gun-for-hire, gun running, at robbery hold-up na nag-o-operate sa bahaging timog ng Metro Manila at kalapit na lalawigan. (EDWIN MORENO)