NASUKOL ng mga awtoridad ang anim na indibiduwal na sangkot sa ilegal na pagsusugal sa inilatag na anti-illegal gambling operation sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna, nitong Linggo, 3 Hulyo.
Kinilala ni Laguna PPO acting provincial director P/Col. Cecilio Ison, Jr., ang mga suspek na sina Joel Romubio, 51 anyos, helper; Vicente Plaza, 57 anyos, driver; Sancho Perez, 65 anyos, walang trabaho; at Antonio Fermin Villar, 51 anyos, kolektor ng basura, pawang mga residente sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Calamba CPS, dinakip ang mga suspek na sina Romubio, Plaza, Perez, at Villar dakong 3:20 pm, kamakalawa sa Brgy. Makiling, sa tulong ng mga concerned citizens na lumapit sa Calamba CPS upang ipaalam ang nagaganap na ilegal na pagsusugal.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang mah jong set, dalawang dice, at perang taya na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P555.
Sa hiwalay na operasyon, naaresto ng Calamba CPS ang mga suspek na kinilalang sina Eden Naycalo, 44 anyos, walang trabaho; at Crispin Mulinyawe, 51 anyos, walang trabaho, kapwa mga residente sa Brgy. Makiling.
Ayon sa Calamba CPS, inaresto ang mga suspek na huli sa aktong nagsusugal dakong 4:00 pm kamakalawa sa Brgy. Makiling sa tulong ng mga concerned citizen.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang set ng baraha at perang taya na hindi bababa sa P347.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang mga suspek upang sampahan ng kasong paglabag sa PD 1602.
Pahayag ni P/Col. Ison, “We have remained serious in broadly adhering to our mandated in campaigns against any kind of illegal activities anywhere in our province. Binalaan ko ang lahat ng illegal gamblers, hindi kayo matitiis.”
“Patuloy nating palalawakin ang agresibong kampanya laban sa ilegal na aktibidad ng sabong, mananagot ang mga lumalabag sa batas at makaaasa ang CALABARZON police na gumawa ng aksiyon. Kahit sino pa involved sa illegal activities ay ipatutupad namin ang batas,” ani P/BGen. Antonio Yarra, Regional Director ng PRO-4A PNP. (BOY PALATINO)