ARESTADO ang pangatlong most wanted person (MWP) sa city level sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna, nitong Sabado ng gabi, 18 Hunyo.
Iniulat ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., Acting Provincial Director ng Laguna PPO kay P/BGen. Antonio Yarra, Regional Director ng PRO4A PNP, ang pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Arcie Marcos, 27 anyos, construction worker, at residente sa Brgy. Masili, sa nabanggit na lungsod.
Inaresto ng mga tauhan ng Calamba CPS sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni P/Lt. Col. Arnel Pagulayan, ang suspek dakong 8:30 pm sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Arturo Vergara Noblejas ng Calamba City RTC Branch 105, may petsang 16 Hunyo 2022 sa kasong Frustrated Homicide (RPC ART 249), walang inirekomendang piyansa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang akusado habang ipagbibigay-alam sa nag-isyung korte ang pag-aresto sa kanya.
Pahayag ni P/BGen. Yarra, “Walang makapagtatago sa batas dahil walang tigil ang mga pulis sa Laguna sa paghahanap para maaresto ang mga akusado at panagutin sa mga pagkakamaling ginawa nila o sa mga batas nilang nilabag.” (BOY PALATINO)