BINAWIAN ng buhay ang isang lalaki matapos tagain ng sariling ama nang magtalo tungkol sa lupa sa bayan ng Calatrava, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Sabado, 18 Hunyo.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktimang si Carlito Bini, 42 anyos, residente sa Brgy. Maaslob, sa nabanggit na bayan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, kinompronta ng biktima ang kanyang amang si Rebico, 65 anyos, nang makita niyang nagpuputol ng puno ang suspek na sinasabi niyang kanya.
Ayon kay P/Maj. Lumyaen Lidawan, hepe ng Calatrava MPS, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama na nauwi sa komosyon nang kunin ng biktima ang itak ng ama at nagtangkang tagain ang suspek.
Nagawa umanong mailagan ni Rebico ang pag-atake ng anak at nakaganti ng taga na tumama sa mga tuhod ng biktima.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang itak habang nadakip ang suspek kalaunan.
Samantala, dinala ang biktima sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival habang bahagyang nasugatan si Rebico.
Ayon sa hepe ng pulisya, pinagbantaan noon ng biktima ang kanyang ama kaugnay sa lupang pag-aari ng kanilang pamilya.