Nagiba at bumagsak ang isa pang tulay sa lalawigan ng Bohol nitong Huwebes, 16 Hunyo, pangalawang insidente sa loob ng dalawang buwan.
Sa kabutihang palad, walang naiulat na nasaktan nang bumagsak ang Borja Bridge sa Brgy. Algeria, sa bayan ng Catigbian, habang tumatawid ang isang 12-wheeler truck kahapon.
Ayon sa Catigbian Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (CMDRRMO), patungong Ubay ang truck na may dalang buhangin nang tumawid ng tulay.
Sinabi ni Jake Maglajos ng CMDRRMO, posibleng sobra sa itinakdang weight limit na 20 tonelada ang truck na naging sanhi ng pagbagsak ng tulay.
Dagdag ni Maglajos, luma na ang tulay at kalahati na lamang ang maaaring madaanan dahil sa natuklasang isang pulgadang butas dito.
Nang lumindol sa Bohol noong 2013, napinsala na rin ang tulay na pangalawa nang bumagsak sa Bohol sa loob lamang ng dalawang buwan.
Matatandaang noong 27 Abril, nagiba rin ang Clarin Bridge na ikinasawi ng apat na katao kabilang ang isang turistang Austrian national, at hindi bababa sa 15 sasakyan ang bumagsak sa ilog ng Loboc dahil sa insidente.