ARESTADO ang isang dating pulis dahil sa kasong homicide na nagtangka pang manuhol ng P2-milyon sa mga operatiba ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group upang hindi siya hulihin sa bayan ng Taytay, lalawigan ng Rizal, nitong Miyekoles, 15 Hunyo.
Kinilala ni IMEG Director P/BGen. Samuel Nacion ang suspek na si dating P03 Luis Jomok lll, residente ng No. 83 Cabrera Rd., Kaytikling, Brgy. Dolores, sa nabanggit na bayan, na nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Wilhelmina Jorge-Wagan ng Pasay City RTC Branch 111.
Nabatid na si Jamok ay tatlong beses na-demote ng ranggo hanggang sa sibakin sa tungkulin.
Sangkot rin ang suspek sa pamamaril noong 7 Agosto 2008 sa lungsod ng Pasay sa biktimang kinilalang si Billy Lozada kung saan nagkaroon siya nagkaroon ng standing warrant of arrest sa kasong homicide nitong Setyembre 2021.
Matapos na malaman na mayroon siyang warrant of arrest, nagtago ang suspek hanggang sa matunton ng pulisya sa bayan ng Taytay.
Nitong 4 Hunyo, nakatanggap ng impormasyon ang Counter Intelligence Division ng IMEG kung saan nagtatago ang suspek sa naturang bayan.
Nasukol ng mga awtoridad ang suspek dakong 11:23 ng umaga kamakalawa sa ikinasang operasyon ng IMEG sa kanilang bahay.
Nagtangka pa umanong suhulan ng suspek ang mga dating kasamahan ng halagang P2,000,000 para sa kanyang kalayaan ngunit hindi ito pinatulan ng mga pulis na umaresto sa kanya.
Pahayag ni Nacion, “I commend our operating troops for this significant accomplishment as part of our relentless efforts to cleanse the ranks of the PNP whether active or former members, for as long as they used to be known members of the PNP, as part of the Internal Cleansing Program of the PNP.” (EDWIN MORENO)