PATAY ang dalawang miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) group habang nakatakas ang dalawa nilang kasama sa enkuwentro ng mga kagawad ng CALABARZON PNP at PNP AKG nitong Lunes ng umaga, sa bayan ng Pililia, lalawigan ng Rizal.
Sugatan din ang pulis na si Pat. Joshua Lingayo matapos tamaan ng bala sa tiyan at kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.
Samantala, ligtas na nabawi ang dalawang biktima ng kidnapping na kapwa Filipino-Chinese.
Kinilala ni AKG Director P/BGen. Rudolph Dimas ang dalawang napatay na suspek base sa nakuha sa kanilang identification cards (IDs) na sina Rolly Castillo at Jerameel Ventura.
Dinala ang mga katawan ng mga suspek sa Valencia Funeral Parlor, sa naturang bayan.
Sa ulat ng AKG, dinukot noong 3 Hunyo ng mga suspek ang magpinsang Filipino-Chinese, isang 21-anyos lalaking estudyante at ang 34-anyos negosyante sa San Rafael Village sa Tondo, Maynila gamit ang isang motorsiklo at isang Honda CRV, may plakang XJC 170.
Humingi ang mga kidnaper ng ransom na P100 milyon sa pamilya ng mga biktima at nagkaroon ng negosasyon hanggang magkasundo na magbabayad nitong 13 Hunyo.
Unang napagkasunduan na dadalhin ang ransom money sa Brgy. Turbina, Calamba, Laguna ngunit nagbago ng pasya kaya sa Pakil, Laguna na nakuha ang bayad sa ransom.
Nitong Martes ng madaling araw, 14 Hunyo, pinakawalan ang mga biktima sa harap ng isang mall sa Famy, Laguna.
Lingid sa mga suspek, nakatimbre sa PNP-AKG ang payoff ng ransom money at nasundan ang getaway vehicle ng mga suspek sa isang lugar sa Pililia, kung saan naganap ang enkuwentro na ikinanamatay ng dalawa sa mga suspek.
Narekober mula sa mga napaslang na suspek ang tatlong iba’t ibang kalibre ng baril.
Ikinasa ng mga awtoridad ang isang manhunt operation upang masukol ang dalawang nakatakas na mga suspek.
Ayon sa liderato ng PNP, napakahalaga ng pakikipagkoopersyon ng pamilya ng biktima sa pulisya dahilan para madaling maresolba ang kaso. (EDWIN MORENO)